Ikinagagalak kong batiin ang mga magtatapos sa Mataas na Paaralang Arellano sa taong ito.
Nakatapos kayo ng isang yugto ng pag-aaral at tiyak na ang marami sa inyo ay magsisikap pang magsunog ng kilay upang maging sandigan ng matatag na kinabukasan, hindi lamang ng inyong sarili, kundi pati ng inyong mga mahal sa buhay at ng ating bayan.
Nasa palad ninyong kabataan ang pag-asa ng ating bayan sapagka't kayo ang magiging mamamayang Pilipino sa hinaharap. Dahil dito, nakapasan sa inyong balikat ang saguting maging kapaki-pakinabang na mamamayan upang maging karapat-dapat na tagapagmana ng ating dakilang bansa.
Pagbutihin ninyo ang pag-aaral. Sikapin ninyong lakdawan ang lahat ng balakid at suliranin at dagdagan ninyo ang punyagi, tiyaga at pagsisikap.
Maligayang bati sa mga magtatapos, sa inyong mga butihing guro, at lalo na sa mapagmahal ninyong mga magulang.
IMELDA ROMUALDEZ-MARCOS Unang Ginang ng Pilipinas at Gobernadora ng Kamaynilaan
|
Isang taos-pusong pagbati ang aking ipinaaabot sa lahat ng mag-aaral na magsisipagtapos sa Arellano High School sa kanilang pagdaraos ng ikapitumpo't isang palatuntunan ng pagtatapos.
Nais kong banggitin na ang paksang iniuukol ninyo sa taong ito na "Ang Kabataan, Ang Kamalayang Pambansa at ang Katatagan at Kaligtasan ng Bayan", ay may malaking kaugnayan sa bawat proyekto o kilusan ng gobyerno, kaya ang kusang-loob na pakikibahagi sa pagtatatag ng isang malaya, maunlad at matatag na bansa ay isang ulirang tungkulin ng kabataan.
Muli, ang aking pagbati sa lahat ng magsisipagtapos at nawa'y patnubayan kayo ng Poong Maykapal.
RAMON D. BAGATSING Alkalde Lungsod ng Maynila
|
Sa mga magtatapos sa Mataas na Paaralang Arellano:
Kayong magtatapos sa taong ito ay mapapalad na mga nilalang. Magdiriwang kayo at magsasaya sa tagumpay na inyong tinamo sa larangan ng edukasyon. Babatiin kayo ng inyong mga kamag-aral at kaibigan at sila'y makikipagdiwang sa inyo.
Kaming mga may kinalaman sa paglinang ng inyong kaisipan at mga kakayahan ay umaasang ang inyong tinamong karunungan at mga kasanayan sa mataas na paaralan ay makatutulong sa inyo sa pakikibaka sa mga kasalukuyang suliranin at inyong gagamiting mabisang kasangkapan sa lalong higit pang pagpapaunlad ng inyong sariling buhay, gayon din ng inyong pamayanan at ng ating bayan.
Sa darating pang mga panahon idinadalangin naming ang bawa't isa sa inyo ay maging lalong kapuri-puring bahagi ng sambayanang Pilipino.
JOSEFINA R. NAVARRO Tagapamanihala ng mga Paaralang Lungsod
|
Simula ng 1980 ay iba't ibang uri ng mga krisis at ligalig ang lumitaw gaya ng labis na pagtaas ng halaga ng langis at bilihin na kailangan sa pang-araw-araw na kabuhayan, ang hindi pagkakaunawaan at hidwaan ng mga bansa at iba pa. Ito marahil ay isang pagsubok sa ating kakayahan at karanasang makaligtas sa mga krisis na ito.
Bilang magsisipagtapos sa mataas na paaralan, kayo ay may sapat na karunungan at karanasan upang makaligtas sa mga krisis na lumilitaw. Sana'y makaisip tayo ng mga malikhaing pamamaraan upang magamit natin ang mga katutubong bunga ng ating lupa at kalikasan bilang kapalit ng mga bagay na ating angkat sa ibang bansa.
Ito'y panahon na dapat tayong magsama-sama at pairalin ang pagmamahal sa bansa upang ipakilala sa buong daigdig na tayo ay isang lahi na may sapat na kakayahang makaligtas sa mga kagipitan sa pamumuhay, at may tiyaga at tiwala sa sarili na kayang lumutas sa mga suliraning haharapin. Sana ang pagtatapos ninyo ay magsilbing simula ng inyong pagtalakay sa mga gawain ukol sa pagpapaunlad at pagpapatatag ng ating bansa.
EMILIANO RAFAEL Pangalawang Tagapamanihala sa Edukasyong Pangsekondarya
|
Ang inyong pagtatapos ay mahalaga sapagka't tayo'y pumapasok sa bagong "decade". Ang taong '80 ay masasabi nating nasusuong sa maraming suliranin. Ang krisis sa langis ay patuloy at ang lahat ng mga kaugnay nito ay tiyak na magkakaroon ng pagbabago, hindi lamang sa presyo, kundi sa produksiyon man at pangangalakal. Ang nagbabadyang sigalot ng mga bansa ay hindi rin natin dapat ipagwalang bahala sapagka't lahat tayo ay maaaring masangkot sa ano mang mangyayari.
Kayong magsisipagtapos ay nararapat maghanda sa ano mang maaaring mangyari sa bagong taong ito. Manguna kayo sa pagtitipid ng langis upang ang ating bansa ay hindi maging alipin ng mga bansang nagbibili ng langis. Sikapin ninyong umisip ng mga paraan ng pagtitipid sa langis: maliit na bagay na malaki ang magagawa sa pag-"eenerconomize".
Magsikap kayo ng lubos upang ang ating kapaligiran ay magkaroon ng sapat na kalinisan hindi lamang sa pampisikal kundi sa pangmoral din. Sa ganoong paraan, ang ating bansa ay mananatiling matatag sa kanyang pag-unlad.
Sa inyong balikat nakasalay ang kinabukasan ng bansa. Humayo kayo at maging isang makabagong Pilipino na taas ang noo na haharap sa hilera ng mga bansa, matapang, matatag, malusog at laging handa.
MIGUELA A. ALARCON Pangalawang Tagapamanihala sa Edukasyong Pangsekondarya
|
Isang malugod na pagbati ang taos-puso kong ipinaaabot sa inyong lahat.
Kayong mga kabataan ay tunay na gumaganap at gaganap pa ng napakahalagang mga papel ngayon at sa mga araw na darating sa ikauunlad hindi lamang ng inyong pansariling mga layunin kundi ng ating bayan sa kabuuan. Ang araw na ito ng inyong pagtatapos ay sumasagisag ng naging mabungang pagsusunog ninyo ng kilay sa ating paaralan sa loob ng apat na taong singkad. Nawa ang malaking pagtitiwalang iniukol sa inyo ng inyong mga magulang, ng inyong matalinong pagkasangkapan sa mga kaalaman at kasanayang naging bunga ng inyong mga pagsisikap.
Tulad ng iba pang mga mamamayan, kayong mga kabataan ay may pananagutan sa pagkakaroon natin ng isang matatag na ligtas na bayan sa tuwi na. Magsisilbing matibay na sandigan ang pagkakaroon ninyo ng makabuluhang kamalayang pambansa ang mga kaalamang inyong natamo. Ang dakilang araw na ito ay ituring ninyong malaking hamon upang buong-tatag ninyong maisabalikat ang inyong pananagutan bilang mga kabataang yaman at pag-asa ng ating Inang Bayan.
Mabuhay kayong lahat!
SALVADOR T. PARIAL Punong-guro
|
Maligayang bati sa inyong lahat na magsisipagtapos.
Batid ko kung gaano kahalaga at kadakila sa inyong buhay ang sandaling ito ng inyong pagtatapos. Nawa'y huwag masayang ang lahat ng pagsisikap na inyong pinuhunan upang sumainyo ang pagkakataong ito. Isaisip sa tuwina na ang sandaling ito'y simula pa lamang ng lalo pang malaking pananagutang kailangan ninyong harapin sa pagtahak sa dako pa roon ng buhay. Ang panibagong hamong ito na inyong isasabalikat ay madali ninyong magagampanan kung kakasangkapanin ninyo ang inyong mga natutuhan sa ating paaralan. Harapin ang inyong mga tungkulin at pananagutan ng buong-tatag at tiyak na sasainyo ang tagumpay.
Huli, malugod na pagbati sa inyong lahat!
EDY L. LOSARIA Pangalawang Punong-guro
|
Binabati ko kayong lahat!
Isang ginintuang kabanata ng inyong buhay ang nabigyan ninyo ng katuparan sa pagsapit ng araw na ito ng inyong pagtatapos. Ang mga kaalamang natamo ninyo sa inyong pananatili sa ating paaralan ay gamitin nawa ninyo nang wasto upang maging gabay ninyo sa pagtahak sa tuwid na landasin kaalinsabay ng inyong pagsasabalikat ng inyong mga pananagutan bilang mga pag-asa't yaman ng ating lahi. Bilang mga kabataan, bahagi ng inyong pananagutan ang makabahagi sa ikapagkakaroon ng sambayanang Pilipino ng isang bayang may katatagan at kaligtasan buhat sa mga kamalayang pambansang inyong nasasandigan.
Maraming hamon pa ang inyong haharapin at ang lahat ng ito'y tatag ninyong haharapin ang inyong pananagutan sa tulong ng mga kaalamang inyong natamo. Maging tunay na halimbawa sana kayo ng tinatagurian ng ating Gat Jose Rizal na mga kabataang pag-asa ng bayan.
Patnubayan nawa kayo lagi ng magandang kapalaran.
RUSELA LADAW-SAGUN Pangalawang Punong-guro
|
Taos-puso kong ipinaaabot sa mga magsisipagtapos ang mataimtim at maligayang pagbati sa inyong matagumpay na pagtatapos sa mataas na paaralan. Ang inyong nakamit na karunungan ay simula lamang ng inyong pagtahak sa bagong landas ng buhay.
Nasasalig sa inyong napiling tahakin ang inyong kinabukasan kaya dalangin ko'y gamitin ninyo sa wastong paraan ang mga karunungang nakamit ninyo sa Inang Paaralan sa ikauunlad ng sarili, ng kapuwa at ng bayan.
Umaasa akong matatanim sa inyong isipan ang aking magandang hangarin sa inyo.
LETICIA WEBER KOH Tagapangulo Samahan ng mga Magulang ng Magsisipagtapos
|
Binabati ko ang mga magsisipagtapos sa taong ito lakip ang taos-pusong dalangin na nawa'y umani kayo ng tagumpay sa inyong napiling landas.
Bilang pangulo ng Samahan ng Nagsipagtapos, buo ang aking pagtitiwala sa inyong kakayahan na maging dangal hindi lamang ng ating Inang-Paaralan kundi ng Inang-Bayan, katulad nina Jaime C. Laya '53, Catalino Macaraig, Jr. '46, Gerardo P. Sicat '53, Crescencio M. Sidayao '48 at marami pang iba na nagpatunay sa kanilang pangunguna sa iba't ibang larangang kanilang pinili.
Itoy isang hamon sa mga magsisipagtapos na ipakita ang inyong kakayahan alinsunod sa diwa't adhikain ng mga Arellanite.
MARCIANO R. PASCUAL Pangulo Samahan ng Nagsipagtapos
|